Buo ang Naiwan

Hinahanap ka ng dagat.
Nagtatanong ang mga alon.
Nagtataka ang mga buhangin.
“Nasan na ang isang pares ng mga bakas?”
bulong nila.

Pero lumayag ka na. 
At nangakong di na ulit babalik pa.
Ang kahapon ay para lang sa kahapon. 
Nalungkot ang dagat. 
Tumaas at naging masungit ang mga alon, 
Tila nais kang ibalik. 
Pero malayo ka na,
At malaya ka na. 

Pinagmasdan ko ang dagat. 
Pinagmasdan ko bawat halik ng alon sa dalampasigan,
Dala ang bawat bakas. 
Pag akap sa kung anong meron ang dalampasigan,
Ay patuloy na aangkinin nang karagatan. 
Sapagkat ganon ang pagmamahal.
Niyayakap ang ganda,
Hinahagkan ang pait,
Inaangkin din ang sakit. 
Patuloy man na magbago ang mga bakas sa dalampasigan,
Ay hindi titigil ang dagat sa paghalik rito. 
Hindi ba’t ganon ang pagmamahal?
Nagbabago pero walang nagbabago. 

Ngunit ang bawat hangganan
Dulot ng bawat paglisan,
Ay may hatid na bagong simula. 

Sinuyod ko ang dagat. 
Kasama kong lumangoy ang mga isda na tangi ko noong kasama. 
Sinubukan ko ang mga bagay na takot akong gawin. 
Nang mawala ka ay tumalon ako mula sa mataas na parte ng isla patungo sa tubig. 
Unang beses ay nanginginig ako. 
Pangalawa ay naramdaman ko ang mga pakpak ko. 
Kaya ko pala. 
Lumipad,
Sumaya. 
Sa bawat pagtalon at paghampas ng katawan ko sa dagat ay ramdam ko ang yakap nito. 
Walang nawala sa akin. 
Ito ang nais niyang sabihin tuwing ako’y hahagkan. 
Umalis ka,
Pero buo pa din ako. 

Comments

Popular posts from this blog

Alone/Together Review

I’m scared

The familiar misery